Dagupan City – Naniniwala si Political Analyst Atty. Michael Henry Yusingco na dapat busisiin at beripikahin ng mga kinauukulang ahensya ang mga ibinunyag ni dating senador Antonio “Sonny” Trillanes IV sa kanyang isinagawang press conference.
Ayon kay Yusingco, interesante ang mga pahayag ni Trillanes, ngunit isa sa mga hamon ngayon ang beripikasyon sa mga ito dahil maituturing pa lamang na hearsay ang ilan sa kanyang mga ibinahagi.
Nilinaw din ni Yusingco na walang agarang legal effect ang mga pahayag ni Trillanes dahil hindi naman umano siya awtorisadong maglabas ng naturang mga dokumento.
Aniya, kung gagamitin ang mga ito bilang ebidensya, kinakailangan itong maiprisinta at mapatunayan sa tamang proseso.
Dahil dito, sinabi ni Yusingco na dapat ding itanong kung bakit hindi ideklara si Trillanes bilang testigo.
Gayunman, hindi niya nakikitang malakas na testigo si Trillanes dahil second-hand sources umano ang ilan sa kanyang mga impormasyon, habang ang mga dokumentong kanyang binanggit ay nakuha naman ng ibang ahensya.
Binanggit ni Yusingco na kailangang makapagpaliwanag ang mga intelligence officer, gayundin ang Department of National Defense at Department of Foreign Affairs, upang matukoy ang posibleng implikasyon ng mga ibinunyag ni Trillanes, partikular sa umano’y pagpasok ng milyun-milyong halaga ng pera mula China.
Kung mapatutunayan ng pamahalaan ang mga transaksyong iniugnay sa Anti-Money Laundering Council o AMLC, sinabi ni Yusingco na kinakailangan itong aksyunan ng gobyerno at dumaan sa kaukulang imbestigasyon at proseso.










