Nararanasan na umano ng bansa ang El Niño; Super El Niño, posibleng malaman sa huling bahagi ng taon
Ayon kay Gener Quitlong, Weather Specialist ng PAGASA, nararanasan na umano ng bansa ang El Niño, bagama’t malalaman pa sa huling quarter ng taon kung aabot ito sa antas na Super El Niño.
Batay sa kanilang pagtaya gamit ang numerical level, nasa 3 degrees Celsius na ang naitatalang antas ng init na maituturing na strong El Niño.
Samantala, inaabangan naman nila kung aabot sa 3.5 hanggang 4.5 degrees Celsius ang temperatura, na maaaring tumukoy sa Super El Niño, sa huling bahagi ng taon.
Samantala, nilinaw ni Quitlong na normal pa rin ang temperaturang nararanasan sa Pangasinan, na karaniwang naglalaro sa 27 hanggang 31 degrees Celsius at minsan ay umaabot sa 32 degrees Celsius.
Ipinaliwanag din niya na iba ang temperaturang nararamdaman kapag direktang tinatamaan ng sikat ng araw. Aniya, ang temperaturang inilalabas ng PAGASA ay sinusukat sa loob ng instrument shelter, kung saan sinusukat ang temperatura ng hangin.
Sa lagay naman ng panahon, sinabi ni Quitlong na nananatiling maganda ang panahon sa malaking bahagi ng Luzon, kabilang ang Pangasinan.
Inaasahan ang maaliwalas ngunit mainit at maalinsangang panahon sa Pangasinan, bagama’t posible pa rin ang pag-ulan sa ilang lugar. Ayon kay Quitlong, maaaring maging maganda ang panahon sa hapon ngunit makaranas ng pag-ulan pagsapit ng hapon o gabi dahil sa thunderstorm.
Samantala, nakararanas naman ng mga pag-ulan ang buong Mindanao at malaking bahagi ng Visayas dahil sa trough ng bagyo.










