Naghahanda na ang mga magbabangus sa Pangasinan sa posibleng epekto ng inaasahang Super El Niño, partikular ang matinding init na maaaring magdulot ng kakulangan ng oxygen sa mga palaisdaan at makaapekto sa kanilang mga alagang bangus.
Ayon kay Christopher Aldo Sibayan, pangulo ng Samahang Magbabangus ng Pangasinan o SAMAPA, mahalagang pag-aralan at paghandaan ang naturang weather phenomenon dahil sa hindi pangkaraniwang pagbabago ng panahon na nararanasan ngayon, kabilang ang matinding init at halos dalawang buwang tuloy-tuloy na pag-ulan sa mga nakalipas na panahon.
Sinabi ni Sibayan na inaasahang muling mararanasan ang mataas na heat index sa mga buwan ng Abril, Mayo at Hunyo, na maaaring magdulot ng pagkaubos ng oxygen sa tubig ng mga palaisdaan at maglagay sa panganib sa mga alagang bangus.
Kabilang sa mga hakbang na inihahanda ng mga magbabangus ang paglalagay ng mga water pump at aerator, gayundin ang pagbabawas sa stocking density o dami ng mga alagang bangus sa palaisdaan upang mabawasan ang posibleng komplikasyon dulot ng matinding init.










