Humihingi ng tulong ang PAMANA Water sa Philippine National Police (PNP), mga barangay captain, barangay officials, at sa buong publiko sa lungsod ng Dagupan upang mapigilan ang paulit-ulit na nakawan ng water meter na nagdudulot ng abala sa mga consumer sa lungsod.

Ayon kay Glenn Gomez, Branch Manager ng PAMANA, nagsimula ang mga insidente noong Setyembre. Kapag nawawala ang metro, agad nawawalan ng tubig ang mga consumer dahil hindi na dumadaloy ang tubig sa gripo. Bagama’t agad pinapalitan ng kumpanya ang nawawalang unit kapag naiulat, may kaukulang gastos pa rin ang bawat pagpapalit.

Binigyang-diin ng kumpanya na hindi empleyado ng PAMANA ang sinumang kumukuha ng metro kung wala silang uniporme o identification card. Hindi rin sila kumukuha o nagbubunot ng unit maliban kung papalitan ito dahil sira at nandoon mismo ang customer.

--Ads--

Inaanyayahan ang publiko na maging mapagmatyag at agad mag-ulat sa PNP o sa PAMANA kung may mapuna silang kahina-hinalang tao o aktibidad kaugnay ng water meter, upang mapanatili ang maayos na serbisyo sa lahat ng consumer.