Dagupan City – Naaresto ng mga tauhan ng Urdaneta City Police Station (CPS) ang isang Top 9 City-Level Wanted Person sa isinagawang pagpapatupad ng warrant of arrest sa Urdaneta City, Pangasinan.
Ayon sa Pangasinan Police Provincial Office (PPO), ang naaresto ay isang 50-anyos na may-asawa at delivery boy na residente ng lungsod.
Isinagawa ang pag-aresto sa bisa ng warrant of arrest kaugnay ng kasong sexual assault sa ilalim ng Article 266-A, paragraph 2, kaugnay ng Article 266-A, paragraph 1 ng Revised Penal Code, na inamyendahan ng Republic Act No. 8353 at Republic Act No. 11648.
Apat na counts ang kinakaharap na kaso ng suspek, na may inirekomendang piyansa na ₱200,000.
Matapos ang operasyon, dinala ang naaresto sa kustodiya ng Urdaneta CPS para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon alinsunod sa proseso ng batas.
Ayon sa Pangasinan PPO, pinaiigting nito ang tuloy-tuloy na law enforcement operations upang matukoy, maaresto, at maiharap sa wastong proseso ng batas ang mga wanted person sa lalawigan.
Hinimok din ng Pangasinan PPO ang publiko na patuloy na makipagtulungan sa mga awtoridad sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon na maaaring makatulong sa pagtukoy sa kinaroroonan ng mga wanted person at pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa mga komunidad.










