Itinuturing ni Sara Elago na bunga ng sama-samang pagkilos ang tuluyang pagkakalaya ni Mary Jane Veloso matapos ang matagal na panawagan para sa kanyang kalayaan at hustisya.
Ayon kay Elago, naging mahalaga ang pagkilos ng pamilya ni Veloso, mga abogado, human rights defenders, migrant workers’ groups, mga religious groups, lingkod-bayan at iba pang mamamayan, kasama ang media, sa pagsusulong ng kanyang kaso. Aniya, mahalagang hindi makalimutan na si Veloso ay itinuring na biktima ng human trafficking at patuloy na nanawagan para sa hustisya.
Gayunman, binigyang-diin ni Elago na hindi pa nagtatapos ang laban para sa iba pang migrant workers at overseas Filipino workers na nakararanas ng pang-aabuso at pagsasamantala. Nanawagan din siya sa pamahalaan na lumikha ng disenteng trabaho at nakabubuhay na sahod sa bansa upang magkaroon ng mas maraming oportunidad ang mga Pilipino na manatili malapit sa kanilang mga pamilya.
Kaugnay nito, hinikayat ni Elago na huwag bawasan ang pondo para sa suporta at reintegration ng migrant workers sa ilalim ng 2027 General Appropriations Bill. Iginiit din niya ang masusing pagpapatupad ng Anti-Trafficking Act, kabilang ang pagkakaroon ng accessible na legal assistance at psychosocial support para sa mga biktima at kanilang pamilya, gayundin ang pagpapatuloy ng information campaigns laban sa trafficking at iba pang uri ng panlilinlang.










