Hindi dapat pag-awayin ang usapin ng dagdag-pamasahe at dagdag-sahod sa mga manggagawa, ayon kay Kilusang Mayo Uno (KMU) Chairperson Jerome Adonis. Aniya, nauunawaan ng mga manggagawa ang panawagan ng mga tsuper para sa fare increase dahil direktang tinatamaan ang kanilang kita ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo.


Gayunman, iginiit ni Adonis na dapat sabayan ang pagtaas ng pamasahe ng makatarungang dagdag-sahod para sa mga manggagawa upang makaagapay sila sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Aniya, nananatiling nakabinbin sa Kongreso ang panukalang dagdag-sahod dahil hindi pa ito kabilang sa mga prayoridad ng pamahalaan, habang ang mga Regional Wage Board ang kabilang sa mga gumagawa ng konkretong hakbang kaugnay nito.


Nanawagan din ang lider-manggagawa sa mas aktibong pakikilahok ng mga manggagawa sa usapin ng sahod upang maitulak ang dagdag-kitang sapat sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. Kasabay nito, sinabi niyang hindi bibitawan ng KMU ang panawagan laban sa kontraktuwalisasyon, na aniya ay hindi lamang umiiral sa pribadong sektor kundi maging sa ilang pampublikong ahensiya.

--Ads--


Kabilang din sa tinutulan ni Adonis ang exemption para sa maliliit na kompanya sa pagpapatupad ng mga wage increase sa loob ng isang taon. Para sa kanya, hindi makatarungang ipagpaliban ang dagdag-sahod ng mga manggagawa dahil sa laki ng kanilang pinapasukang kumpanya, kaya iminungkahi niyang maglaan ang pamahalaan ng subsidiya para sa maliliit na negosyo upang matugunan ang dagdag na gastos sa sahod.


Binigyang-diin ni Adonis na hindi dapat pagtipirin ang mga manggagawang Pilipino dahil hindi naman umano sila nagkukulang sa pagtatrabaho. Aniya, patuloy silang pumapasok at naghahanapbuhay kahit umulan o bumagyo, kaya nararapat lamang na matugunan ang kanilang pangangailangan sa gitna ng tumataas na halaga ng pamumuhay.


Iminungkahi rin ni Adonis ang pagtanggal sa value-added tax (VAT) at excise tax sa mga produktong petrolyo bilang hakbang upang maibsan ang pasanin ng publiko. Ayon sa kanya, hindi lamang mga tsuper ang makikinabang sa naturang hakbang kundi maging ang mga manggagawa at iba pang Pilipino na apektado ng pagtaas ng presyo ng petrolyo at mga produktong umaasa rito.