Dagupan City – Isinagawa ng mga tauhan ng Urbiztondo Police Station ang Project URBIZ o Understanding Risk, Building Integrity, and Inspiring Zero Violence sa Pasibi West Elementary School kahapon, Setyembre 28, 2026.
Pinangunahan ang aktibidad ni PMAJ Fernan L. Rivera, Chief of Police ng Urbiztondo Police Station, na nakatuon sa pagpapalawak ng kaalaman ng mga mag-aaral at school personnel hinggil sa Run, Hide, and Report Protocol, Anti-Bullying at Nihilistic Violent Extremism.
Tinalakay sa programa ang mga nararapat na gawin ng mga mag-aaral at guro kapag may emergency, gayundin ang mga paraan upang maiwasan ang karahasan at bullying. Binigyang-diin din ang kahalagahan ng pagiging mapagmatyag upang mapanatili ang ligtas at maayos na kapaligiran sa paaralan.
Bilang bahagi ng aktibidad, namahagi rin ang PNP Urbiztondo ng hygiene kits at chocolates sa mga piling mag-aaral.
Layunin ng programa na mapalakas ang ugnayan ng pulisya at komunidad, lalo na sa mga kabataan, at mahikayat ang kanilang pakikilahok sa pagpapanatili ng ligtas na paaralan.










