Kinilala ng Department of Labor and Employment o DOLE ang Public Employment Service Office o PESO ng Mapandan bilang Regional Best PESO para sa kategoryang 3rd Class Municipality.


Ginanap ang awarding ceremony sa Stella Maris, Cabugao, Ilocos Sur noong ika-24 ng Setyembre.


Dahil sa pagkilalang ito, ang PESO Mapandan ang magiging kinatawan ng rehiyon bilang nominado sa National Best PESO Awards.

--Ads--


Pinangunahan naman ni PESO Manager Shiela Marie D. Penuliar ang tanggapan sa pagkamit ng naturang parangal.


Ayon sa lokal na pamahalaan, naging mahalaga sa pagkilalang ito ang pagtutulungan ng mga kawani at suporta ng LGU Mapandan sa pagpapatupad ng mga programa para sa trabaho at kabuhayan.


Sa seremonya, binigyang-diin ni DOLE Regional Director Honorina Dian-Baga ang mahalagang papel ng mga PESO sa pag-uugnay sa mga naghahanap ng trabaho sa mga oportunidad.


Inihandog naman ng LGU Mapandan ang parangal sa mga mamamayan bilang inspirasyon upang ipagpatuloy ang pagbibigay ng maayos at epektibong serbisyo publiko.