Dagupan City – Itinuring ng mga operator ng pampublikong sasakyan sa Pangasinan na malaking tulong ang P1 dagdag-singil sa pasahe sa kanilang pang-araw-araw na kita.
Ayon kay Bernard Tuliao, presidente ng Alliance of Transport Operators and Drivers Organization (AUTOPro) Pangasinan, bagama’t isang piso lamang ang dagdag-pasahe, malaking bagay na rin umano ito para sa mga operator, lalo na’t may ibinigay ding discount sa presyo ng krudo.
Sinabi ni Tuliao na nagsimula na kahapon ang pamamahagi ng mga bagong fare matrix sa mga pampublikong sasakyan. Nilinaw din niyang mananatili ang pagpapatupad ng 20% discount para sa mga kwalipikadong pasahero.
Hiniling naman ni Tuliao sa LTFRB na mahigpit na imonitor ang mga gasoline station na accredited para sa fuel discount upang matiyak na aktuwal itong naipatutupad.
Samantala, sinabi niyang maglalagay rin sila ng landmark o palatandaan sa pamasahe upang maging mas malinaw sa mga pasahero ang tamang singil, lalo na’t marami na umanong hindi gumagamit ng odometer, ang panukat sa distansyang tinatakbo ng sasakyan.










