Dagupan City – Arestado ang dalawang mag-live-in partner sa isinagawang buy-bust operation ng Urbiztondo Police sa Barangay Poblacion, Urbiztondo, Pangasinan, dakong alas-7:59 ng gabi noong Setyembre 25, 2026.
Kinilala ng pulisya ang mga suspek bilang isang 28-anyos na lalaki at kaniyang 30-anyos na kinakasama, kapwa residente ng nasabing bayan. Ayon sa pulisya, nahuli ang lalaki matapos umanong magbenta ng isang sachet ng hinihinalang shabu sa isang poseur buyer kapalit ng 500 piso.
Sa isinagawang body search matapos ang transaksyon, nakumpiska pa umano mula sa lalaki ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu. Narekober din sa kaniyang kinakasama, na kasama umano sa transaksyon, ang isa pang sachet ng hinihinalang shabu.
Tinatayang nasa 1.2 gramo ang kabuuang bigat ng mga nakumpiskang hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng humigit-kumulang 8,160 piso batay sa Standard Drug Price. Nahaharap ang dalawang suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Kasalukuyan silang nasa kustodiya ng pulisya habang nagpapatuloy ang kaukulang proseso.










