Dagupan City – Kinilala bilang isa sa National Outstanding Sangguniang Kabataan Chairperson 2026 si Coun. Narayana Rsi Das Mesina, SK Federation President ng Calasiao, Pangasinan, matapos makapasok sa Top 5 ng naturang pagkilala.
Ayon kay Mesina, una lamang niyang sinubukang mag-apply sa naturang award hanggang sa umabot siya sa finals at hindi niya inaasahang mapabilang sa Top 5.
Sa evaluation, ipinakita niya ang mga programa ng SK Calasiao na nakatuon sa pagbibigay ng boses at oportunidad sa mga kabataan, kabilang ang pagtugon sa pangangailangan ng kanilang mga kabarangay matapos ang halos isang buwang pagbaha.
Binigyang-diin ni Mesina na hindi nasusukat sa laki ng pondo o nasasakupan ang kakayahan ng isang SK na makapagpatupad ng makabuluhang programa.
Aniya, mas mahalaga ang konkretong pagbabago sa buhay ng mga kabataan at ang pagbibigay sa kanila ng pagkakataong maging aktibo at magkaroon ng mas malaking papel sa komunidad.
Samantala, kaugnay ng Republic Act No. 12326, o batas na nagtatakda ng limang taong termino para sa mga barangay officials at Sangguniang Kabataan members, sinabi ni Mesina na ipagpapatuloy nila ang kanilang mga ipinangakong programa.
Gagamitin din aniya ang karagdagang dalawang taon para sa mga training ng SK officials, partikular sa pagiging responsable at accountable sa kanilang tungkulin.
Inaasahan naman ni Mesina ang pag-upo ng mga bagong opisyal na itatalaga sa mga susunod na panahon, lalo na’t may ilang SK officials na dati nang nagbabalak na tapusin ang kanilang termino dahil mayroon na silang mga personal na plano pagkatapos ng kanilang panunungkulan.
Home Local News SK Federation President ng Calasiao, kinilala bilang National Outstanding SK Chairperson 2026










