Naipamahagi na sa 37 Child Development Centers (CDCs) sa bayan ng San Nicolas ang unang suplay ng pagkain at mga sangkap para sa pagpapatupad ng Supplemental Feeding Program.


Ang naturang paunang delivery ay nakalaan para sa unang 20 araw ng feeding program, na may kabuuang target na 120 araw na nagkakahalaga ng nasa ₱1,830,000.


Layunin ng programang ito na masiguro ang tamang nutrisyon ng mga batang nakatala sa mga CDC sa pamamagitan ng pagbibigay ng isang masustansiyang pagkain araw-araw.

--Ads--


Kabilang sa mga naihatid na supply para sa paghahanda ng balanseng pagkain ay ang mga sumusunod gaya ng Karne at Isda: Baboy, manok, bangus, at tuna, Gulay tulad ng patatas, kalabasa, talong, at repolyo at pangunahing sangkap gaya ng bigas, sotanghon, at spaghetti pasta gayundin ang iba pang karagdagang sangkap tulad ng gatas, butter, harina, itlog, breadcrumbs, at cooking oil
Binigyang-diin ng lokal na pamahalaan na ang bawat maayos na pagkaing naihahain sa mga bata ay mahalagang hakbang upang matulungan ang mga higit na nangangailangan, dahil ang malusog na paglaki ng kabataan ang nagsisilbing pundasyon ng mas malakas na komunidad sa San Nicolas.