Tinatayang nasa 1,400 hanggang 3,000 public transport operators sa Pangasinan ang direktang apektado ng muling pagsirit ng presyo ng petrolyo, habang hindi pa umano tuluyang nakakabawi ang sektor mula sa epekto ng matagal na pagbaha sa lalawigan.

Ayon kay Bernard Tuliao, presidente ng Autopro Pangasinan, maraming operator at tsuper ang hindi regular na nakabiyahe dahil sa pagbaha, kaya muling nanganganib ang kanilang kabuhayan ngayong inaasahang tataas pa ang presyo ng diesel.

Aniya, halos nakakabawi pa lamang ang transport sector nang muling dumagdag ang gastos sa krudo.

Dahil dito, hinihiling ng grupo sa administrasyon na payagan ang dalawang pisong dagdag-pasahe upang makatulong sa mga tsuper at operator na sumalo sa patuloy na pagtaas ng operating expenses.
Nakakatulong din umano ang mga programang ayuda mula sa lokal na pamahalaan at mga inaasahang subsidiya ng DOLE, gayundin ang diskuwentong hanggang 12 pesos kada litro sa ilang accredited na gasolinahan, ngunit pansamantala lamang ang mga ito.

Posible rin umanong muling ipatupad ang window hours dahil may mga operator na maaaring hindi na bumiyahe kapag hindi na kakayanin ang gastos sa krudo.

Binawasan na rin umano ng ilang grupo ang boundary upang maibsan ang pasanin ng mga tsuper.

Kasabay nito, nananawagan ang grupo sa LTFRB ng konsiderasyon sa late confirmation ng rehistro ng kanilang mga sasakyan, habang hinihikayat naman ang mga tsuper na patuloy na maningil ng tamang pamasahe sa kabila ng krisis.

--Ads--