Dagupan City – Inaasahan ni Constitutional Law Expert at Political Analyst Atty. Joseph Emmanuel Cera ang agarang pag-isyu ng temporary restraining order o TRO ng Supreme Court sakaling maisabatas ang pagpapaliban sa 2026 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE.
Ito ay kasunod ng pagtutol ni election lawyer Romulo Macalintal sa planong postponement ng halalan.
Ayon kay Cera, walang sapat o compelling reason para ipagpaliban ang BSKE, lalo na kung ang pangunahing dahilan lamang ay ang pagpapalawig ng termino ng mga incumbent barangay officials.
Aniya, maituturing na praktikal ang naging hakbang ni Macalintal nang humingi ito ng meeting conference at inilahad ang mga dahilan sa isyu ng panukalang batas bago ito tuluyang mapirmahan ng Pangulo.
Kung tuluyang lalagdaan umano ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panukala, posibleng humantong ang usapin sa Supreme Court at magkaroon ng petisyon para sa TRO.
Binanggit din ni Cera ang naging commitment noon ng ilang mambabatas hinggil sa termino ng mga barangay officials, na aniya ay dapat pa ring nakabatay sa desisyon ng mga botante at hindi sa awtomatikong pagpapalawig ng termino.
Samantala, itinuro rin niya ang nalalapit na mga aktibidad ng Commission on Elections, kabilang ang Setyembre 28 na unang araw ng paghahain ng kandidatura para sa barangay officials, gayundin ang mga orientation para sa mga kandidato.
Giit ni Cera, maaaring maging dagdag-gastos lamang sa taumbayan ang postponement ng halalan, lalo na kung nakapaghanda na ang mga ahensya para sa orihinal na election timeline.
Umaasa rin siya na kung maisampa ang usapin sa Supreme Court, agad itong maaksyunan, partikular sa mga pagkakataong kailangang mapalitan ang ilang barangay officials dahil sa mga kakulangan sa tungkulin, kabilang ang mga na-terminate na.
Ayon kay Cera, may kapangyarihan ang Supreme Court na maglabas ng TRO o injunction, at ang hukuman mismo ang magpapasya kung kinakailangan itong ipatupad at kung gaano ito kabilis ilalabas.










