Dagupan City – Nagpaabot ng pasasalamat ang Lokal na Pamahalaan ng Manaoag sa Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan dahil sa mga malalaking proyektong imprastraktura na inaasahang magpapalakas sa ekonomiya at turismo ng bayan.
Ayon kay Manaoag Mayor Jeremy Rosario, malaking tulong ang mga proyektong ito sa patuloy na pag-unlad ng kanilang bayan, partikular sa pagpapabilis ng biyahe at pagdami ng mga turista at deboto.
Kabilang sa mga inaabangang proyekto ang kalsadang Pozorrubio-Urdaneta na direktang mag-uugnay patungo sa paliparan sa Binalonan.
Bahagi nito ang pagkakaroon ng malaking highway sa likuran ng Basilica ng Manaoag, na inaasahang magpapagaan sa daloy ng trapiko at magpapabilis sa pagbiyahe ng mga deboto at turista patungo sa bayan.
Samantala, ikinatuwa rin ng alkalde ang P20-milyong kontrata para sa PLEX project na magkakaroon ng unang interchange sa Manaoag.
Ayon kay Rosario, malaking pakinabang ito sa Manaoag dahil hindi lamang nito mapapadali ang pag-access ng mga biyahero at deboto sa bayan, kundi makikinabang din ang mga kalapit na lugar, kabilang ang bayan ng Mapandan.
Inaasahang makatutulong ang mga proyektong ito sa pagpapalakas ng turismo, negosyo at iba pang aktibidad pang-ekonomiya sa Manaoag at mga karatig-bayan.










