Dagupan City – Nakatutok ngayon ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa unang regular parliamentary election nito na gaganapin sa Setyembre 14, 2026, isang halalang itinuturing na makasaysayan dahil unang pagkakataon itong pipili ng mga kinatawan sa ilalim ng bagong parliamentary system ng rehiyon.
Ayon kay Atty. Carlo Africa, Policy Specialist for BARMM Affairs matapos ang ilang pagpapaliban sa halalan, naging mahalagang usapin ang pagpapanumbalik ng kumpiyansa ng mamamayan sa electoral process.
Aniya, mahalaga ang pagkakaroon ng lehitimong pamumuno upang magkaroon ng malinaw na direksiyon ang pamahalaan at matiyak na ang mga pagbabagong ipatutupad sa BARMM ay tunay na makatutugon sa pangangailangan ng mga residente.
Paliwanag nito sa halalan, 80 puwesto ang paglalabanan para sa Bangsamoro Parliament.
Kabilang dito ang 40 regional parliamentary party representatives, 32 district representatives at walong sectoral representatives. Halos 2.4 milyon naman ang rehistradong botante sa rehiyon.
Nilinaw rin ni Africa na hindi direktang ihahalal ng mga botante ang Chief Minister sa ilalim ng parliamentary system.
Sa halip, ang mga miyembro ng Parliament ang pipili ng Chief Minister mula sa kanilang hanay sa pamamagitan ng majority vote.
Dahil dito, mahalaga ang magiging komposisyon ng Parliament at ang mga political party na makakakuha ng sapat na representasyon.
Malaki rin aniya ang papel ng mga regional political party sa bagong sistema. Hindi lamang sila nagsisilbing instrumento sa panahon ng kampanya at halalan. Inaasahan silang magkaroon ng malinaw na plataporma, programa at pananagutan sa mga botanteng kanilang kinakatawan.
Binigyang diin din nito na bago sa maraming botante ang parliamentary election, kung kaya’t mahalagang malaman nila kung ano ang kanilang iboboto at kung bakit nila pinipili ang isang political party o district representative.
Sa halip na personalidad lamang ng kandidato ang maging batayan, hinihikayat ang mga botante na suriin ang plataporma, programa at kakayahan ng mga partidong nais nilang suportahan.
Samantala, patuloy naman aniya ang monitoring sa seguridad bago at habang isinasagawa ang halalan.
Bagama’t nananatiling banta ang posibilidad ng electoral violence sa isang rehiyong may kasaysayan ng armadong tunggalian, malawak ang paghahanda ng mga awtoridad para mapanatili ang kapayapaan at seguridad ng mga botante. Mahigit 20,000 military at police personnel ang inaasahang ide-deploy para sa seguridad ng halalan.










