Mariing kinukuwestiyon ng Pangasinan People’s Strike for the Environment ang isinusulong na Pax Silica initiative at Luzon Economic Corridor dahil sa umano’y posibleng epekto nito sa mga komunidad, kalikasan, kabuhayan at food security, gayundin sa maaaring pagtaas ng geopolitical at military risks sa Central Luzon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Eco Dangla, convenor ng grupo, na patuloy ang mga pagkilos ng iba’t ibang sektor laban sa mga proyektong iniuugnay sa Pax Silica.

Ayon kay Dangla, lumawak umano ang mga protesta nitong mga nakaraang buwan, kabilang ang isinagawang caravan mula Metro Manila patungong Clark, Pampanga, na dinaluhan ng iba’t ibang organisasyon at grupong kumokontra sa Pax Silica at Luzon Economic Corridor.

Sinabi rin niyang may mga demonstrador na naaresto sa isang investors forum sa Bonifacio Global City. Ayon sa kanya, kabilang sa mga naaresto ang mga paralegal na umano’y naroon upang tiyaking maayos at naaayon sa karapatang pantao ang isinagawang protesta.

Iginiit ni Dangla na mahalagang tingnan ang Pax Silica hindi lamang bilang programang pang-ekonomiya kundi bilang bahagi ng mas malawak na development plan na, sa kanyang pananaw, maaaring magkaroon ng implikasyon sa seguridad at geopolitical tensions sa rehiyon.

Partikular na binigyang-diin niya ang lokasyon ng mga pasilidad at proyektong militar at pang-imprastraktura sa Central Luzon.

Binanggit niya ang Clark, Crow Valley, Basa Air Base, Subic at Fort Magsaysay, pati ang mga proyektong pangdepensa na aniya’y maaaring maiugnay sa mas malawak na Luzon Economic Corridor.

Para kay Dangla, maaaring maging sensitibong target ang mga lugar na magkakaugnay sa mga estratehikong interes ng Estados Unidos at iba pang bansa sakaling lumala ang tensiyon sa pagitan ng malalaking kapangyarihan, partikular ng US at China.

Gayunman, ang mga pahayag na ito ay posisyon ng grupo at hindi nangangahulugang may kumpirmadong banta ng pag-atake sa mga nabanggit na lugar.

Ayon kay Dangla, isa sa mga pangunahing layunin ng Pax Silica ay mabawasan ang pagdepende ng Estados Unidos sa China para sa critical minerals, semiconductors at iba pang mahahalagang teknolohiya.

Ngunit para sa environmental group, may pangamba na manatiling nakatuon ang papel ng Pilipinas sa pagkuha ng likas na yaman at pagsasagawa ng labor-intensive manufacturing nang walang sapat na technology transfer.