Dagupan City – Isinusulong sa Pangasinan ang isang mas koordinadong hakbang sa rehabilitasyon at dredging ng mga pangunahing ilog at daluyan ng tubig upang matugunan ang paulit-ulit na problema sa pagbaha sa lalawigan.
Ayon kay Pangasinan Vice Governor Mark Ronald Lambino, mahalaga ang pagtutulungan ng mga lokal na pamahalaan at concerned government agencies dahil hindi nakabatay sa political boundaries ang natural na pagdaloy ng tubig.
Kung kaya’t itinutulak ni Governor Ramon “Mon-Mon” Guico III ang province-wide o region-wide approach sa flood mitigation sa halip na magkakahiwalay na programa ng bawat lokal na pamahalaan.
Kabilang sa mga pangunahing ilog at daluyan ng tubig na tinututukan ang Marusay River sa Sta. Barbara, Parongking River sa Calasiao, Pantal River sa Dagupan City, at Limahong Channel sa Lingayen.
Paliwanag ni Lambino, kailangang magkakaugnay ang mga programa sa upstream at downstream areas upang matiyak na ang anumang intervention sa isang lugar ay hindi magdudulot ng karagdagang problema sa ibang komunidad.
Kabilang aniya sa mga dapat pag-aralan ang mga bahaging mababaw dahil sa sedimentation, mga bottleneck sa daluyan ng tubig at mga lugar na nangangailangan ng dredging, drainage improvement, pumping stations at retention ponds.
Dito na binigyang diin ni Lambino na kailangan ang “whole-of-national approach” upang magkaroon ng iisang direksyon ang mga hakbang ng national government agencies at mga local government units sa paglutas ng problema sa pagbaha.










