Dalawang tulay na ang bumagsak sa Tarlac City matapos gumuho ang Agana Bridge nitong Sabado ng gabi, Agosto 29, 2026, sa gitna ng rumaragasang baha dulot ng walang humpay na pag-ulan na dala ng Habagat.
Ayon sa paunang ulat, isang SUV ang inanod at nahulog sa ilog kasunod ng pagbagsak ng tulay kung saan limang indibidwal ang sakay nito.
Bumagsak ang Agana Bridge matapos ang tuluy-tuloy na pag-ulan at pagragasa ng baha sa lugar. Nagsisilbi sana itong alternatibong ruta para sa mga motorista matapos bumigay ang bahagi ng Aquino Bridge noong Biyernes ng hatinggabi.
Dahil dito, dalawang pangunahing tulay na ngayon ang hindi madaanan sa lugar, na posibleng magdulot ng matinding epekto sa daloy ng trapiko at pagbiyahe ng mga residente at motorista sa Tarlac City.
Patuloy namang minomonitor ng mga awtoridad ang sitwasyon, habang isinasagawa ang rescue operations at assessment sa lawak ng pinsala sa mga tulay.
Pinapayuhan ang publiko na iwasan muna ang mga apektadong lugar, lalo na ang mga bahaging binabaha at malapit sa mga ilog, at sumunod sa mga abiso ng mga awtoridad para sa kaligtasan ng publiko.










