Kumpirmado na ang paglalaro ng Pinay tennis star na si Alex Eala sa nalalapit na 2026 Asian Games na gaganapin sa Nagoya, Japan, sa kabila ng kaniyang mahigpit na iskedyul at mga kontrata sa Women’s Tennis Association (WTA).

Ayon kay Philippine Tennis Association (PHILTA) Secretary General at Navotas City Mayor John Rey Tiangco, may dalawang malalaking turneyo pa ang nakatakdang salihan ni Eala bago siya lumipad patungong Japan para sa nasabing rehiyonal na kompetisyon.

Kabilang sa kaniyang haharapin ang prestihiyosong US Open na susundan agad ng Singapore Tennis Open, isang WTA 500 event na tatakbo mula Setyembre 21 hanggang 27.

--Ads--

Sa kabila ng pagsabay ng Asian Games sa dalawa pang importanteng WTA 1000 tournaments—ang China Open at Wuhan Open—tiniyak ng kampo ni Eala na priority nito ang maglingkod at magdala ng karangalan sa bansa.

Kung babalikan ang nakalipas na Asian Games, matagumpay na nakapag-uwi si Eala ng bronze medal para sa Pilipinas, habang nagbulsa rin siya ng gold medal sa nakaraang Southeast Asian Games.

Napakalaki ng nakataya sa darating na kompetisyon dahil ang sinumang magwawagi ng gintong medalya sa Asian Games tennis tournament ay direktang makakakuha ng slot para sa 2028 Los Angeles Olympics.