Patuloy ang regular na weather updating at preparedness measures ng Office of Civil Defense (OCD) Region I habang nagpapatuloy ang mga pag-ulan sa rehiyon, ayon kay ASEC Lawrence E. Mina, Acting Regional Director ng OCD Region I.
Ayon kay Mina, regular na isinasagawa ng OCD ang weather updating kasama ang mga member agencies upang patuloy na masuri ang sitwasyon at mai-adjust ang mga kinakailangang paghahanda, lalo na sa mga panahong nakararanas ng prolonged rains.
Kabilang sa kanilang sistema ang pagbabago ng alert status depende sa kasalukuyang sitwasyon. Sa blue alert status, hindi buong complement ng responding personnel ang naka-deploy upang magkaroon din ng pagkakataong makapagpahinga ang mga responder. Kapag lumala naman ang sitwasyon, maaari itong agad na i-elevate sa red alert status upang madagdagan ang response capability ng ahensya.
Binigyang-diin ni Mina na bahagi ng pangunahing tungkulin ng OCD ang civilian protection, coordination at disaster response, katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan. Inilarawan niya ang OCD bilang bridge builder na nag-uugnay sa mga pangangailangan ng mga komunidad sa mga ahensyang may kakayahang magbigay ng kaukulang tulong.
Sa panahon ng kalamidad, kabilang sa mga pangangailangang tinutugunan sa pamamagitan ng inter-agency coordination ang pagkain, tubig at iba pang pangunahing suplay para sa mga pamilyang naapektuhan. Isinasaalang-alang din ang agarang pangangailangan ng mga residente sa unang tatlo hanggang limang araw matapos ang isang kalamidad.
Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang OCD Region I sa mga member agencies upang matukoy ang mga kinakailangang paghahanda at matiyak na mabilis na naipararating sa kinauukulang tanggapan ang mga pangangailangan ng mga apektadong komunidad.
Bahagi nito ang patuloy na monitoring sa lagay ng panahon at agarang pag-aksyon batay sa mga ulat at assessment upang mapalakas ang kahandaan ng mga lokal na pamahalaan at responder sa posibleng paglala ng sitwasyon.










