Nagdeklara ng state of calamity ang lokal na pamahalaan ng Lingayen, sa lalawigan ng Pangasinan dahil sa mahigit isang buwang pag-ulan na dulot ng Habagat at magkakasunod na bagyo.
Ayon kay Vice Mayor Jay Mark Kevin Crisostomo, napagkasunduan ito sa isinagawang special session ng Sangguniang Bayan matapos maitalang apektado ng Habagat ang lahat ng barangay sa bayan.
Sa ilalim ng deklarasyon, maaaring gamitin ng mga barangay ang kanilang quick response fund para makapagbigay ng agarang ayuda at iba pang kinakailangang serbisyo sa mga residenteng naapektuhan ng kalamidad.
Apektado rin ang ilang paaralan sa Lingayen dahil sa matagal na pag-ulan, na nagresulta sa halos isang buwang pagkaantala ng face-to-face classes. Kabilang sa mga lugar na nakararanas ng matinding epekto ang mga coastal barangay gaya ng Pangapisan North, Poblacion, Libsong East, Libsong West at Maniboc, gayundin ang southern barangays na Lasip, Malawa, Wawa, Namulan, Quibaol at Talogtog.
Samantala, hinimok ang mga manggagawa na maaaring mag-avail ng mga loan program ng Pag-IBIG Fund na may kaukulang relief para sa mga naapektuhan ng kalamidad. Maaari rin umanong ipatupad ang price freeze sa ilang pangunahing bilihin alinsunod sa umiiral na mga patakaran kapag may state of calamity.










