Pansamantalang itinigil ang ilang rescue at retrieval operations sa bahagi ng Nepal matapos matukoy ang posibilidad ng ikalawang malakas na pagbaha dulot ng malaking dam ng debris na nabuo sa upstream area kasunod ng mapaminsalang pagbaha sa hangganan ng China at Nepal.

Ayon kay Vanessa Villegas, Filipino development communication specialist at Senior Communications Officer ng International Centre for Integrated Mountain Development (ICIMOD), namuo ang malaking volume ng tubig sa upstream matapos maipon at magbara ang mga debris sa ilog.

Batay sa impormasyong ibinahagi ng panig ng China sa pamahalaan ng Nepal, nakita sa drone monitoring ang isang uri ng embankment o dam na nabuo dahil sa naipong debris. Kapag hindi kayanin ng naturang bara ang bigat ng naipong tubig, may posibilidad na muling bumuhos ang tubig patungo sa downstream communities.

--Ads--

Dahil dito, pansamantalang ipinahinto sa panig ng China ang retrieval at rescue operations.

Sa Nepal naman, nakatuon ang mga operasyon sa mabababang lugar, kabilang ang bahagi ng Chitwan River, kung saan inaasahang naiipon at inaanod ang mga debris at posibleng mga biktima.

Samantala, patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga nawawala.

Ayon kay Villegas, mahigit 400 bangkay na ang narekober, habang lampas 1,500 katao na ang naiuulat na nawawala.

Patuloy din ang pagtulong ng pamahalaan ng Nepal sa mga apektadong pamilya, kabilang ang pagtatatag ng mga registration center kung saan itinatala ang mga nawawala upang matukoy kung ilan pa ang kailangang hanapin at mailigtas.

Sinabi ni Villegas na nakikipagtulungan ang ICIMOD sa pamahalaan ng Nepal, kabilang ang tanggapan ng Prime Minister, upang magsagawa ng mabilis ngunit siyentipikong assessment sa nangyari.

Inilarawan ng mga eksperto ang insidente bilang isang “mountain tsunami” dahil sa pambihirang lakas at dami ng tubig na biglang rumagasa mula sa kabundukan.

Isa sa mga tinitingnang posibleng mekanismo ay ang glacial lake outburst flood (GLOF) isang pangyayaring maaaring mangyari kapag natutunaw ang yelo sa glacier at napupuno ng tubig ang isang lawa hanggang sa hindi na nito kayanin ang naiipong volume, na kalaunan ay nagdudulot ng biglaang pag-agos ng napakalaking dami ng tubig.

Gayunman, sinabi ni Villegas na may indikasyong maaaring may iba pang pangyayaring nag-trigger sa malawakang pagbaha dahil hindi pangkaraniwan ang dami ng tubig na bumuhos.

Lalong namang naging malaki ang epekto ng sakuna dahil ang tinamaan na lugar sa Trisuli district ay isang mahalagang daanan sa pagitan ng Nepal at China.

Ayon kay Villegas, nagsisilbi itong mahalagang ruta ng kalakalan kung saan dumadaan ang mga produkto mula sa dalawang bansa.

Maging ang isang port facility sa lugar ay iniulat na lubusang inanod ng baha, kasama ang mga container van na may kargang produkto.

Bukod sa kalakalan, mahalaga rin ang lugar sa turismo at pilgrimage.