Lumalalim na umano ang usapin sa paggamit ng confidential funds sa impeachment trial matapos talakayin ang ilang pahayag ng mga testigong iniharap sa paglilitis. Kabilang sa sinusuri ang proseso ng paggastos at pag-apruba sa pondo, gayundin ang pananagutan ng mga opisyal at empleyadong sangkot sa bawat transaksyon.
Ayon kay Atty. Francis Dominick Abril, legal and political consultant, may legal na kahalagahan ang ilang naging pahayag ni Ortonio, partikular ang tungkol sa reimbursement at mga patakaran sa pag-audit ng confidential funds. Aniya, mahalagang matukoy kung sino ang may kaalaman at naging bahagi sa pangangasiwa at paggamit ng naturang pondo.
Sinabi rin ni Abril na maaaring makatulong sa paglilitis ang pagharap ni Lachica bilang testigo, dahil kabilang umano ito sa mga nabanggit na may kaugnayan sa paggamit ng confidential funds. Aniya, maaaring linawin sa pamamagitan ng pagtatanong ang proseso ng paggastos at pag-apruba sa pondo, habang maaari ring maging mahalaga sa anumang posibleng kaso ang mga pahayag ng mga testigong may direktang kaalaman sa mga transaksyon.
Samantala, sinabi ni Abril na maaaring magkaroon ng pananagutan ang mga testigo kung mapatutunayang mahalaga ang kanilang mga pahayag sa mga kasong maaaring buuin kaugnay ng paggamit ng pondo ng pamahalaan. Sa bahagi ng impeachment trial na tumatalakay sa unang artikulo, sinabi niyang nakikita niyang matibay sa ngayon ang mga ebidensiyang inihaharap ng prosekusyon, kabilang ang mga impormasyong tumutukoy sa proseso ng pag-apruba at paggamit ng confidential funds.










