Dagupan City – Hinikayat ng lokal na pamahalaan ng San Carlos City ang mga banyagang naninirahan sa lungsod, partikular ang mga undocumented o nag-o-overstay, na samantalahin ang Expat Program ng Bureau of Immigration upang maisaayos ang kanilang mga dokumento.

Ayon kay San Carlos City Mayor Julier “Ayoy” Resuello, layunin ng programa na matulungan ang mga undocumented foreign individuals na maayos ang kanilang papeles upang maging legal ang kanilang pananatili sa bansa.

Nilinaw ng alkalde na ang programa ay hindi nakatuon sa paghuli, pagkulong o agarang deportasyon ng mga banyaga.

--Ads--

Bahagi rin umano ito ng inisyatiba ng Department of Foreign Affairs (DFA) para matulungan ang mga dayuhang nangangailangan ng kaukulang dokumentasyon at proseso upang maayos ang kanilang status.

Dahil dito, nanawagan si Resuello sa mga residente na ipaalam sa lokal na pamahalaan kung may kakilala silang mga foreign individual na nag-o-overstay o walang sapat na dokumento sa lungsod upang sila ay mabigyan ng tamang impormasyon at gabay.

Inaasahang susunod ding isasagawa ang programa sa Basista bilang bahagi ng pagsisikap na matulungan ang mga banyagang maayos ang kanilang immigration status.