Dagupan City – Nagtipon ang Lingayen Local Culture and Arts Council (LCAC) upang talakayin, suriin at isapinal ang Annual Cultural Plan ng bayan para sa Fiscal Year 2027.

Pinangunahan ni Hon. Angelie A. Ediong, Sangguniang Bayan Chairperson ng Committee on Education, Arts and Culture at LCAC Vice-Chairperson, ang pagpupulong bilang kinatawan ni Mayor Josefina V. Castañeda, LCAC Chairperson.

Bahagi ang pagpupulong ng paghahanda ng bayan para sa Annual Investment Program (AIP) para sa FY 2027.

--Ads--

Tinalakay ng konseho ang mga umiiral at panukalang cultural programs, projects and activities, gayundin ang mga pangunahing inisyatiba para sa pangangalaga ng cultural heritage, pagpapaunlad ng lokal na sining, turismo at pakikilahok ng komunidad.

Kabilang sa mga kalahok si Sangguniang Bayan Committee Chairperson on Tourism Councilor Norman C. Doroteo, kasama ang iba pang kinatawan mula sa sektor ng turismo, sining, kultura, heritage at edukasyon.

Layunin ng malawak na partisipasyon ng iba’t ibang sektor na matiyak ang mas inklusibo at magkatuwang na pagpaplano para sa cultural development ng Lingayen.

Aktibong nakibahagi ang Local Tourism and Cultural Affairs Office (LTCAO) bilang Secretariat ng LCAC, na nagsilbing katuwang sa teknikal at administratibong pangangailangan, kabilang ang paghahanda, dokumentasyon, consolidation at koordinasyon ng mga programang isasama sa plano.

Ang maaprubahang Annual Cultural Plan ang magsisilbing gabay ng Pamahalaang Bayan ng Lingayen sa pagpapatupad ng mga programa para sa kultura at sining at sa pagsasama ng mga prayoridad na proyekto sa FY 2027 Annual Investment Program.