Nag-anunsyo ang Canada ng $20 bilyong halaga ng ganting taripa sa mga produktong mula sa Estados Unidos habang patuloy na umiigting ang trade war sa pagitan ng dalawang bansa.

Bukod sa mga counter-tariff, nagpatupad din ang Canada ng iba pang hakbang upang “protektahan at suportahan ang mga manggagawa at negosyo sa Canada.”

Ayon kay Evan Solomon, ministro para sa AI at digital innovation, hindi umano uurong ang Canada sa harap ng mga hakbang ng Estados Unidos.

--Ads--

Sinabi niya na mananatiling matatag ang kanilang bansa at patuloy na bubuo ng mga hakbang para maprotektahan ang ekonomiya.

Samantala, sinabi ng business correspondent na si Michael Race na matapang ang naging tugon ng Canada sa mga taripa ng US, ngunit inaasahang mararamdaman ng parehong bansa ang epekto nito sa kanilang ekonomiya at kalakalan.

Nagpatupad ang Estados Unidos ng 50% taripa sa ilang produktong Canadian matapos mabigo ang trade talks ng dalawang bansa nitong weekend.

Nagbanta rin si US President Donald Trump na itataas sa 50% mula Enero 1 ang taripa sa mga sasakyang gawa sa Canada.

Inakusahan naman ni Canadian Prime Minister Mark Carney si Trump na tinatangkang “wasakin” ang industriya ng sasakyan ng Canada.

Dahil dito, lalo pang lumala ang relasyon ng dalawang bansa na dati nang magkaugnay sa malawak na kalakalan at industriya.