Dagupan City – Mahigit 1.1 milyong residente sa Pangasinan ang naapektuhan ng mga weather disturbance mula Agosto 2 hanggang 23, habang umabot naman sa mahigit P408 milyon ang tinatayang pinsala sa sektor ng agrikultura sa lalawigan.

Ayon kay Ret. Col. Rhodyn Luchinvar Oro, hepe ng Pangasinan PDRRMO, nasa 150 barangay sa 12 bayan at dalawang lungsod ang nakaranas ng pagbaha dahil sa malalakas na pag-ulan.

Gayunman, hindi pa inirerekomenda ng PDRRMO ang deklarasyon ng State of Calamity sa buong lalawigan dahil sapat pa umano ang response at relief resources ng pamahalaan.

--Ads--

Sa ngayon, apat na lokalidad na ang nagdeklara ng State of Calamity—Dagupan City, Mangaldan, Sta. Barbara at Bugallon.

Samantala, ayon kay Provincial Agriculturist Dalisay Moya, pinakamalaki ang pinsala sa palay na umabot sa tinatayang P354.6 milyon, katumbas ng 11,800 metric tons na production loss mula sa 9,859 ektarya ng rice areas.

Nasa P17 milyon naman ang tinatayang pinsala sa mais, habang P98 milyon ang pinsala sa gulay at iba pang high-value crops. Umabot naman sa P37 milyon ang pinsala sa sektor ng pangisdaan.

Ayon kay Moya, dulot ang mga pinsala ng mga bagyong Luis, Maymay at Neneng, gayundin ng southwest monsoon o habagat.

Inaasahang makatatanggap ng buffer stock seeds ang mga apektadong magsasaka para sa susunod na cropping season na magsisimula sa Setyembre 16.

Patuloy namang mino-monitor ng PDRRMO at Provincial Agriculture Office ang epekto ng mga weather disturbance upang matukoy ang karagdagang pangangailangan para sa relief, recovery at rehabilitation.