Nauwi sa trahedya ang sana’y pag-uwi sa Pilipinas ng isang 62-anyos na Pinay caregiver matapos siyang masawi sa karambola ng tatlong sasakyan sa Taiwan noong Agosto 19.
Kinilala ang biktima na si Ebella Escolonia Cortes, na papunta na sana sa airport kasama ang kaniyang dalawang Pilipinong amo nang mangyari ang aksidente.
Ayon sa mga ulat, napahinto ang kanilang van sa highway matapos masangkot sa isang banggaan. Habang nag-uusap sa labas ng kanilang mga sasakyan ang dalawang driver, bigla silang sinalpok ng isa pang kotse.
Nasawi ang dalawang driver na nasa labas ng kanilang mga sasakyan, habang napuruhan naman si Cortes na nasa loob ng van. Sugatan ngunit nakaligtas ang kaniyang dalawang amo.
Nakaligtas din ang driver ng sasakyang sumalpok sa mga biktima.
Nanawagan naman ng hustisya ang anak ni Cortes na si Roy at hiniling na mapanagot ang responsable sa pagkamatay ng kaniyang ina.
Samantala, tiniyak ng Manila Economic and Cultural Office (MECO) ang tulong sa pamilya ni Cortes at nakikipag-ugnayan na sa mga awtoridad sa Taiwan kaugnay ng imbestigasyon.
Inaasahang maiuuwi sa Pilipinas ang labi ni Cortes sa Agosto 30. | via Bombo John Florez










