Iginiit ni Prof. Roland Simbulan, chairperson ng Center for People Empowerment in Governance, na dapat magpakita ng respeto sa batas, Konstitusyon at mga institusyon ng pamahalaan ang isang mataas na opisyal ng bansa.

Ayon kay Simbulan, kapansin-pansin umano na tila hindi nagpapakita ng sapat na paggalang si Vice President Sara Duterte sa mga proseso ng impeachment, mula nang isagawa ang mga pagdinig sa House of Representatives hanggang sa Senate impeachment court.

Sa panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Simbulan na ilang beses nang binigyan ng pagkakataong humarap at maglahad ng panig ang bise presidente, ngunit hindi pa rin umano ito dumadalo sa mga pagdinig.

--Ads--

Nanawagan si Simbulan sa publiko na pagtuunan ng pansin ang implikasyon ng mga pangyayaring ito, lalo na dahil ang bise presidente ang ikalawang pinakamataas na opisyal ng pamahalaan.

Aniya, bilang isa sa pinakamataas na pinuno ng bansa, inaasahang magiging halimbawa ang bise presidente sa pagsunod sa batas at paggalang sa Konstitusyon, gayundin sa mga institusyon na bahagi ng sistema ng pamahalaan.

Binigyang-diin ni Simbulan na mahalaga ang pagpapakita ng good example ng mga opisyal ng pamahalaan upang mapanatili ang tiwala ng publiko sa mga institusyon at proseso ng bansa.