Sinimulan na ng House prosecution panel ang pagpresinta kay Office of the Vice President (OVP) Assistant Chief of Staff Lemuel Ortonio bilang panibagong testigo sa pagpapatuloy ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa pagbubukas ng ika-18 araw ng paglilitis sa Senate Impeachment Court, pinangunahan ng litigation lawyer na si Atty. Mae S. Divinagracia ang pagtatanong sa opisyal ng OVP.

Sa simula ng pagdinig, inaprubahan ng Senate Impeachment Court ang kahilingan ng panig ng prosecution na opisyal na ideklara si Ortonio bilang isang hostile witness.

--Ads--

Dahil dito, pinayagan ng hukuman ang prosekusyon na gumamit ng leading questions sa kanilang pagtatanong.

Kabilang sa mga inisyal na naging pokus ng pagtatanong ni Atty. Divinagracia ay ang mismong papel at awtoridad ni Ortonio sa pag-apruba sa mga proyekto ng OVP.

Binusisi rin ng prosekusyon ang prosesong pinagdadaanan ng pondo at ang mismong paglalabas nito para sa mga naturang programa.

Sa gitna ng pagdinig, ipinresenta ng prosecution panel ang ilang tseke na umano’y pinirmahan ni Ortonio na ginamit sa mga proyekto ng tanggapan.

Kinumpirma rin mismo ni Ortonio sa harap ng hukuman na kasama siya sa nag-encash sa mga nabanggit na tseke-bagay na ginawa niya kahit siya rin ang pumirma sa mga ito.

Nakatakdang ipagpatuloy ang pagtatanong kay Ortonio ukol sa Article I ng impeachment complaint, na nakatuon sa usapin ng paghawak at umano’y hindi tamang paggasta sa confidential funds ng OVP.