Dagupan City – Iginiit ni Dagupan City Mayor Belen T. Fernandez na hindi praktikal na ipatupad sa buong lungsod ang paglalagay ng cistern tanks bilang solusyon sa problema ng pagbaha.

Sa halip, kanyang binigyang-diin ang pagtutulungan ng lokal na pamahalaan, pribadong sektor, mga paaralan, at iba pang establisimyento.

Matatandaan na kamakailan ay kanya mismong nakita at binisita ang St. John The Evangelist Cathedral sa kanilang ginawang Flood Control Project kung saan hindi na ito binabaha kahit nakaranas ng mataas na tubig-baha sa harapan nito sa bahagi ng Burgos St. noong nakaraang mga araw.

--Ads--

Sinabi nito na bukas ang lokal na pamahalaan sa pagsuporta sa mga pribadong sektor na nais maglagay ng cistern tanks.

Ayon kay Fernandez, maaaring maglagay ng cistern tanks ang mga pribadong establisimyento at unibersidad na may kakayahang gawin ito gaya sa ginawa ng Simbahan.

Aniya, mayroon na kasing ilang establisimyento na maayos ang koneksyon ng kanilang drainage system sa drainage system ng pamahalaang lungsod.

Binigyang-diin din ng alkalde ang kahalagahan ng partnership sa pagitan ng pamahalaan at pribadong sektor upang matugunan ang problema sa pagbaha.

Hinihikayat niya ang mga pribadong establisimyento na magpatupad ng sariling flood-mitigation measures.

Ibinahagi rin ni Fernandez na hindi maikakailang dekada nang suliranin ng Dagupan ang pagbaha kahit noong bata pa siya.

Gayunman, sa kasalukuyan, prayoridad ng pamahalaang lungsod ang pagsasaayos ng mga pangunahing kalsada at drainage infrastructure.

Samantala, nilinaw ng alkalde na ang mga proyekto ng pamahalaan ay kailangang dumaan sa tamang proseso.

Sa huli, nanawagan si Fernandez ng sama-samang pagkilos ng pamahalaan at pribadong sektor, dahil aniya, hindi kayang akuin ng lokal na pamahalaan lamang ang buong responsibilidad sa paglutas ng problema sa pagbaha sa Dagupan City.