Dagupan City – Umabot sa 33,021 pamilya sa Lingayen ang pinaglaanan ng Family Food Packs bilang bahagi ng pagtugon sa pangangailangan ng mga residenteng naapektuhan ng nagdaang bagyo at Habagat.
Nakipag-ugnayan ang Lokal na Pamahalaan ng Lingayen sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), sa tulong ni Congressman Mark Cojuangco, upang makakuha ng relief assistance para sa mga pamilyang nangangailangan ng karagdagang suporta matapos ang epekto ng masamang panahon.
Ipinamahagi ang mga Family Food Packs sa 32 barangay ng Lingayen upang maihatid ang ayuda sa mga pamilyang nangangailangan sa kani-kanilang komunidad. Layunin nitong makatulong sa kanilang pangunahing pangangailangan habang nagpapatuloy ang pagbangon mula sa epekto ng bagyo at Habagat.
Nagpasalamat naman ang Lokal na Pamahalaan ng Lingayen kay Cojuangco at sa DSWD sa agarang pagtugon at pakikipagtulungan upang maihatid ang kinakailangang assistance sa mga residente.
Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang lokal na pamahalaan sa mga kaukulang ahensya upang matiyak ang tuloy-tuloy na suporta at serbisyo para sa mga pamilyang Lingayenense na nangangailangan ng tulong sa panahon ng kalamidad.










