Isang magnitude 5.9 na lindol ang yumanig sa silangang bahagi ng Japan, kabilang ang Tokyo area, madaling-araw ng Linggo, na ikinasugat ng hindi bababa sa 37 katao. Karamihan sa mga nasugatan ay nagtamo ng minor injuries.
Wala namang banta ng tsunami matapos ang lindol, ayon sa mga awtoridad.
Batay sa Japan Meteorological Agency (JMA), may preliminary magnitude na 5.9 ang lindol at natukoy ang epicenter nito sa southern Ibaraki prefecture, nasa lalim na 70 kilometro. Samantala, magnitude 5.8 naman ang naitala ng U.S. Geological Survey (USGS).
Ayon sa mga opisyal ng prefecture at Fire and Disaster Management Agency, 37 katao ang nasugatan sa limang prefecture. Kabilang dito ang 15 sa Tokyo, siyam sa Saitama, walo sa Kanagawa, apat sa Chiba at isa sa Ibaraki.
Karamihan sa mga biktima ay nasugatan matapos matumba o tumama sa mga kasangkapan at pintuan nang biglang yumanig ang lupa. Marami sa kanila ang natutulog nang mangyari ang lindol at napabangon at nagpanic.










