Dagupan City – Kinuwestyon ng IBON Foundation ang pahayag na nasa 6.5 milyon ang Pilipinong nakaahon mula sa kahirapan matapos bumagsak sa record-low na 9.7% ang antas ng kahirapan sa bansa noong 2025, batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Ayon kay Sonny Africa, Executive Director ng IBON Foundation, hindi sapat na tingnan lamang ang mga numero upang masabing maraming Pilipino na ang nakaahon sa kahirapan.
Aniya, hindi lamang dapat nakatuon ang pamahalaan sa pagbaba ng poverty rate, kundi sa pagkakaroon ng mga Pilipino ng disenteng pamumuhay at matatag na kabuhayan.
Iginiit ni Africa na dapat mas mataas ang pangarap at target ng pamahalaan para sa mga Pilipino.
Aniya, maaaring maging mapanganib ang pagpapalaganap ng isang pananaw na nakabatay lamang sa mga numerong hindi umano lubusang sumasalamin sa tunay na kalagayan ng mga mamamayan.
Binigyang-diin din ng IBON Foundation ang kahalagahan ng pagpapalakas sa sektor ng agrikultura.
Kabilang sa kanilang panawagan ang mas malaking suporta, subsidiya at tulong sa mga magsasaka upang mapalakas ang kanilang produksyon at kita.
Para sa grupo, hindi dapat magtapos sa pagbaba ng poverty rate ang layunin ng pamahalaan.
Higit sa lahat, dapat tiyakin na ang mga Pilipino ay may sapat na kita, disenteng pamumuhay at pangmatagalang seguridad sa kabuhayan.










