Dagupan City – Bahagya nang bumaba ang lebel ng tubig sa Marusay-Sinukalan River dahil sa gumagandang lagay ng panahon, ngunit patuloy pa ring nakakaranas ng pagbaha ang ilang bahagi ng Calasiao.
Ayon kay Kristine Joy Soriano, spokesperson ng Calasiao Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), nananatiling lubog ang floodwater monitoring system sa Marusay-Sinukalan River, bagama’t nagsimula nang bumaba ang tubig.
Sa kabuuan, 21 barangay ang nakapagtala ng pagbaha, lima rito ang nakaranas ng mas mataas na lebel ng tubig tulad ng Barangay Talibaew, Longos, Lumbang, Mancup, at Lasip kung saan umabot sa apat na talampakan ang baha.
Dahil dito, muling binuksan ang Calasiao Sports Complex bilang evacuation center para sa mga residenteng kinailangang lumikas sa ikalawang pagkakataon matapos muling tumaas ang tubig na nagsimula noong Lunes.
Batay sa datos ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), nasa 121 pamilya o 415 indibidwal ang kasalukuyang nananatili sa evacuation center.
Ayon sa MDRRMO, maaaring abutin ng dalawa hanggang tatlong araw bago tuluyang humupa ang baha sa ilang lugar.
Gayunman, maaari umanong tumagal nang isa hanggang dalawang linggo ang tubig sa mga lugar na may stagnant rainwater dahil sa kawalan ng sapat na daluyan.
Samantala, may mga naiulat na pinsala sa ilang kabahayan, kabilang ang totally at partially damaged houses ngunit isinasagawa pa ang validation ng MSWDO dahil hindi pa naaabot ang ilang lugar na patuloy na binabaha.
Bukod dito, wala pa namang naitalang casualty na direktang dulot ng bagyo o habagat,
Ayon kay Soriano, may isang insidente ng pagkalunod na naitala sa nasasakupan ng bayan, ngunit batay sa isinagawang imbestigasyon, ito ay isang aksidente at hindi itinuring na typhoon- o flood-related casualty.
Samantala, umabot naman sa 19, 165 families o nasa 71,220 individuals ang apektado sa nagdaang bagyo, pinalakas na habagat at tuloy-tuloy na pag-ulan kaya patuloy rin ang pamamahagi ng ayuda ng lokal na pamahalaan katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan at Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Bukod sa family food packs, nakatanggap din ang mga apektadong residente ng sleeping kits at hygiene kits mula sa DSWD, habang nagbigay naman ang Office of Civil Defense (OCD) ng karagdagang hygiene kits.
Sa kabila ng bahagyang pagbuti ng panahon, hinimok ni Soriano ang mga residente na manatiling alerto dahil may posibilidad pa ring makaapekto sa bayan ang mga susunod na sama ng panahon.
Pinayuhan din ang mga pamilyang nasa mga binabahang lugar na gamitin ang magandang lagay ng panahon upang maihanda ang kanilang mga tahanan at kagamitan sakaling muling tumaas ang tubig.
Mahigpit ding pinaalalahanan ang mga magulang na huwag hayaang lumangoy, maglaro, o magsagawa ng anumang aktibidad ang kanilang mga anak malapit sa mga ilog dahil nananatiling mataas ang lebel ng tubig at malakas ang agos.
Patuloy ang panawagan ng MDRRMO sa mga residente na manatiling handa, alerto at ligtas habang minomonitor ang sitwasyon sa mga binabahang lugar.










