Dagupan City – Isinalarawan ng AUTOPro Pangasinan na “naghihinalo” na ang mga jeepney driver sa lalawigan dahil sa tigil-pasada bunsod ng tuloy-tuloy na pag-ulan at mataas na lebel ng tubig sa mga kalsada.
Ayon kay Bernard Tuliao, pangulo ng AUTOPro Pangasinan, marami umanong jeepney driver ang hindi nakapamasada mula Agosto 1 dahil sa sama ng panahon.
Partikular na naapektuhan ang mga ruta sa Calasiao at Dagupan, kung saan nahihirapan ang mga driver na bumiyahe dahil sa mataas na tubig-baha sa mga kalsada.
Samantala, sinabi ni Tuliao na hindi pa kumpleto ang fuel subsidy na natatanggap ng ilang driver.
May mga nakatanggap umano ng ₱1,500, habang ang iba ay nakatanggap ng ayuda sa pamamagitan ng GCash.
Nabigyan din umano ng TUPAD assistance ang ilang driver. Patuloy naman ang proseso para sa mga driver na magsasagawa ng paglilinis sa mga paaralan kapalit ng ayuda.
Dagdag pa ni Tuliao, lalo pang nagpapahirap sa mga jeepney driver ang patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo.
Panawagan niya sa pamahalaan na ipatupad ang parehong discount sa traditional at modernized jeepney, dahil may mga nakatakdang ayuda para sa modernized jeepney habang wala pa umanong sapat na suporta para sa mga traditional jeepney driver.










