Dagupan City – Ipinaliwanag ng Employees’ Compensation Commission (ECC) Region 1 ang mga karapatan at benepisyo ng mga manggagawang nakararanas ng aksidente, sakit o pinsalang may kaugnayan sa kanilang trabaho.

Ayon kay Dexter Dupagan, Information Officer II ng ECC Region 1, marami pa ring manggagawa ang hindi pamilyar sa Employees’ Compensation Program, na nagbibigay ng kaukulang proteksiyon at benepisyo sa mga empleyadong nakararanas ng work-related contingencies.

Kabilang dito ang mga insidenteng maaaring mangyari habang ang isang manggagawa ay bumibiyahe patungo o pauwi mula sa trabaho, kabilang ang mga sitwasyong may kaugnayan sa sama ng panahon, basta’t pasok ito sa mga itinakdang kondisyon ng programa.

--Ads--

Para sa mga manggagawa sa pribadong sektor, maaaring isumite ang aplikasyon para sa benepisyo sa pamamagitan ng Social Security System o SSS, kabilang ang online application.

Samantala, ang mga empleyado sa pampublikong sektor ay maaaring mag-apply sa Government Service Insurance System o GSIS.

Ipinaalala rin ng ECC na may mga programa at mekanismo para sa proteksiyon ng mga manggagawa, kabilang ang mga benepisyong sagot o saklaw ng employer depende sa sitwasyon at umiiral na patakaran.

Binigyang-diin ni Dupagan na may karapatan ang mga manggagawa na unahin ang kanilang kaligtasan.

Kung may malinaw na panganib o banta sa kanilang buhay at kalusugan, maaari silang tumangging pumasok sa trabaho alinsunod sa umiiral na occupational safety and health rules.

Layunin ng mga programang ito na matiyak na hindi lamang kabuhayan kundi maging ang kaligtasan at kapakanan ng mga manggagawa ay napoprotektahan.