Tinatayang nasa P1.3 bilyon hanggang P1.7 bilyon ang halaga ng pinsala sa mga pananim ng mga magsasaka dahil sa mga nagdaang bagyo at patuloy na epekto ng Habagat.

Ayon kay Cathy Estavillo, spokesperson ng Bantay Bigas, malaking bahagi ng nasirang pananim ay mga food crops, kabilang ang palay, mais at mga gulay. Aniya, maraming sakahan ang nalubog sa baha, dahil sa palpak na ilang mga flood control project. Aniya, hanggang ngayon ay wala pa ring napapanagot kaugnay nito.

Nanawagan ang Bantay Bigas sa pamahalaan na maglaan ng sapat na kompensasyon para sa mga magsasakang nawalan ng pananim upang matulungan silang makabalik sa pagsasaka at makabangon. Iginiit din ng grupo na hindi sapat ang P5,000 subsidy at iba pang relief assistance dahil panandalian lamang umano ang mga ito at hindi tumutugon sa kabuuang halaga ng kanilang pagkalugi.

--Ads--

Hinikayat din ng grupo ang pamahalaan na magpatupad ng pangmatagalang programa para sa sektor ng agrikultura, lalo na sa mga lugar na matinding naapektuhan ng kalamidad.

Nanawagan din ito na bantayan ang presyo ng mga pangunahing bilihin dahil maraming manggagawa ang hindi nakapasok sa trabaho at maraming magsasaka ang hindi makapagtanim dahil sa epekto ng mga nagdaang kalamidad sa malaking bahagi ng Luzon.

Kasabay nito, sinabi ng Bantay Bigas na mahigpit nitong binabantayan ang budget ng Department of Agriculture, partikular ang mga pondong maaaring ilaan para sa tulong at pagbangon ng mga magsasakang naapektuhan ng mga kalamidad.