Dagupan City – Karagdagang kalinga ang hatid sa mga evacuees na kasalukuyang nananatili sa Dagupan City National High School (DCNHS) matapos ipamahagi ang mga kumot sa 29 pamilyang pansamantalang lumikas sa evacuation center.
Pinangunahan nina Vice Mayor BK Kua at Doc Ashok Vasandani ang pamamahagi ng mga kumot bilang dagdag na tulong at proteksiyon para sa mga evacuees, partikular ngayong nangangailangan sila ng dagdag na kagamitan habang nananatili sa evacuation center.
Patuloy namang nakaalalay ang City Social Welfare and Development Office (CSWDO) at Dagupan City Police Office (DCPO) sa mga pamilyang evacuees.
Kabilang sa kanilang tungkulin ang pagbibigay ng kinakailangang suporta, pagbabantay, at pagtugon sa iba pang pangangailangan ng mga lumikas.
Ang naturang ayuda ay itinuring na dagdag na “yakap” para sa mga Dagupeñong nangangailangan ng suporta sa gitna ng kanilang pansamantalang pananatili sa evacuation center.










