Dagupan City – Nagsagawa ng field validation at monitoring sa mga lugar na naapektuhan ng pagbaha sa Binmaley ang Office of Civil Defense (OCD) at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Binmaley noong Agosto 21, 2026.

Pinangunahan ni Assistant Secretary Laurence E. Mina, Civil Defense Deputy Administrator for Operations, ang OCD team sa pagsasagawa ng field validation, katuwang ang MDRRMO Binmaley sa pangunguna ni OIC-MDRRMO Armenia T. Delos Angeles, sa ilalim ng pamumuno ni MDRRMC Chairperson Mayor Pedro A. Merrera III.

Kabilang sa mga isinagawa ang aktuwal na pag-monitor sa mga flood-affected areas upang matukoy ang kasalukuyang sitwasyon, lawak ng epekto ng pagbaha at agarang pangangailangan ng mga apektadong residente.

--Ads--

Bahagi rin ng aktibidad ang pagpapalakas ng koordinasyon sa pagitan ng mga response agencies at lokal na pamahalaan upang matiyak ang mas mabilis at organisadong pagtugon sa anumang pangangailangan ng mga komunidad.

Patuloy naman ang monitoring at assessment ng MDRRMO Binmaley katuwang ang mga kaugnay na ahensya upang mapalakas ang disaster preparedness at response measures sa gitna ng patuloy na banta ng pagbaha at masamang panahon.