Patuloy ang pangongolekta ng basura sa 29 barangay ng Sta. Barbara, Pangasinan sa kabila ng epekto ng pagbaha at walang tigil na pag-ulan sa bayan.
Ayon kay Cheryl Carreon, Environmental Management Specialist II ng Sta. Barbara, nagpapatuloy sa kanilang tungkulin ang mga personnel ng waste collection at solid waste management upang maiwasan ang pagkaantala sa regular na pangongolekta ng basura sa mga barangay.
Regular na kinokolekta ang residual waste sa lahat ng 29 barangay mula Lunes hanggang Linggo. Tuwing Linggo, na itinuturing na market day, dalawang beses isinasagawa ang garbage collection upang matugunan ang mas mataas na volume ng basurang nalilikha sa lugar, kabilang ang Sta. Barbara Public Market.
Mas nagiging hamon naman ang pangongolekta dahil sa pag-ulan at pagbaha, partikular sa mga low-lying area gaya ng Barangay Sonquil. Sa kabila nito, nakikipag-ugnayan ang mga barangay officials sa MENRO upang matiyak na may nakatalagang lugar kung saan maaaring ilagay ang basura para mas madali itong makolekta ng mga personnel.
Tumutugon din ang MENRO sa mga ulat hinggil sa basurang naiipon sa mga drainage at iba pang lugar. Kapag nagsasagawa ng clean-up activity ang mga barangay, agad na ipinapaalam sa tanggapan upang maisagawa ang clearing at koleksyon kahit wala ito sa regular na iskedyul.
Aminado ang tanggapan na mas mahirap ang pagkolekta ng basura kapag malakas ang ulan dahil nagiging mabigat at mahirap buhatin ang mga garbage bag. Gayunman, patuloy ang kanilang pagsisikap upang mapanatili ang maayos na solid waste management lalo na sa panahon ng kalamidad at pagbaha.
Isinusulong din ng tanggapan ang posibilidad ng mga programang may insentibo para sa tamang segregation at waste management, kabilang ang mga programang maaaring makatulong sa mga residenteng nangangailangan ng karagdagang pagkakakitaan.










