Ipinapaubaya na umano ni Sen. Erwin Tulfo sa Office of the Ombudsman ang pagsusuri sa tuluyang pagbawi ni Orly Guteza sa kaniyang naunang sinumpaang salaysay.
Maaalalang ginawa ni Guteza ang recantation nitong nakalipas na araw (Aug. 19), ilang buwan mula noong una siyang lumutang sa Senate flood control invesigation at inakusahan ang ilang indibidwal na nakatanggap ng mga maleta ng cash bilang kickback sa mga flood control project.
Si Sen. Tulfo naman ang bagong chairperson ng makapangyarihang Senate Blue Ribbon Committee na nagsagawa ng masusing imbestigasyon sa naturang iskandalo.
Sa panayam kay Tulfo, sinabi niyang mas mabuting ipaubaya na lamang sa Tanodbayan ang imbestigasyon at tuluyang pagpapanagot sa mga sangkot.
Iisa aniya ang layunin ng Ombudsman at ng Senate panel, at ito ay ang mapanagot ang sinumang sangkot sa naturang iskandalo, kaya’t ang pinakamadaling proseso para sa accountability ay ang mismong Tanodbayan na ang susuri sa lahat ng mga salik na bumabalot nito.
Inihalimbawa ng senador ang ilang malalaking personalidad na napakulong na ng Tanodbayan sa mga nakalipas na buwan, bilang patunay ng bilis ng ginagawa nitong proseso.
Ayon kay Sen. Tulfo, kung idaraan pa sa Senate panel ay tiyak na aabutin pa ng ilang buwang hearing. Aasikasuhin na rin aniya ng mataas na kapulungan ang 2027 National Budget – hudyat ng pagsisimula ng budget season sa Kongreso.
Maliban dito, ginugugol din ng Senado ang tatlong araw bawat linggo para sa impeachment trial, kaya’t ayon sa Blue Ribbon chair, siguradong mas mabilis ang pag-usad ng kaso sa Tanodbayan.










