Ipinaliwanag ni Grupong ATOM ang kahalagahan ng August 21 Movement na nabuo noong 1983, kasunod ng pagpaslang kay dating senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr. Layunin nitong ipagpatuloy ang mga ipinaglaban ni Aquino, kabilang ang pagtatanggol sa demokrasya at pagtutol sa pang-aabuso sa kapangyarihan.
Binigyang-diin Bien Gonzales Vice President, August Twenty-One Movement (ATOM) na mahalagang alalahanin ang naging sakripisyo ni Aquino para sa kalayaan at pagbabalik ng demokrasya sa bansa. Bago siya naging senador, nagsilbi rin si Aquino bilang alkalde at gobernador ng Tarlac. Sa kabila ng banta sa kanyang buhay, pinili umano nitong bumalik sa Pilipinas upang ipagpatuloy ang kanyang paninindigan para sa karapatan at kalayaan ng mga Pilipino.
Itinuturing si Aquino bilang isa sa mga naging simbolo ng pakikibaka para sa demokrasya dahil sa kanyang hangaring maibalik ang demokratikong pamamahala at mapangalagaan ang karapatan ng bawat Pilipino. Ayon kay Gonzales, mahalagang maunawaan ng mga bagong henerasyon ang kasaysayan at ang naging epekto ng mga pangyayari noong panahong iyon sa kasalukuyang sistema ng pamahalaan, lalo na sa kalayaang pumili ng mga pinuno sa pamamagitan ng halalan.
Samantala, nakatakdang magsagawa ng reenactment ang August Twenty-One Movement sa arrival ni Aquino sa bansa bago siya paslangin noong Agosto 21, 1983. Isasagawa rin ang isang misa sa Manila Memorial Park bukas ng umaga bilang paggunita sa dating senador at sa kanyang naging ambag sa kasaysayan ng demokrasya sa Pilipinas.










