Nagpahayag ng labis na pagkabahala si Senate Committee on Youth at Committee on Sports Chairman Senador Bong Go sa lumalaking impluwensya ng social media sa paghubog ng pag-uugali at personalidad ng mga kabataang Pilipino sa kasalukuyang panahon.
Ayon sa senador, bilang mga magulang at mambabatas, hindi dapat pabayaan ang ganitong kalakaran na patuloy na makaapekto sa susunod na henerasyon.
Ibinahagi ito ni Go sa pagdinig sa Senado nitong Huwebes ng umaga kaugnay ng malagim na pamamaril sa Zamboanga City kamakailan na ikinasawi ng ilang mag-aaral.
Dahil dito, binigyang-diin ng mambabatas na panahon na upang muling hikayatin ang kabataan na maglaan ng oras sa physical fitness at sports upang malabanan ang negatibong epekto ng labis na paggamit ng gadgets at social media sa kanilang mental health.










