Umabot sa 89.9 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit ₱600,000 ang nakumpiska ng mga awtoridad sa pagpapatupad ng search warrant sa Barangay Dumalandan Center, Lingayen, Pangasinan.
Isinagawa ang operasyon ng mga tauhan ng Lingayen Municipal Police Station (MPS), katuwang ang Special Weapons and Tactics (SWAT) at Explosive Ordnance Disposal (EOD) K9 ng Pangasinan Police Provincial Office (PPO), at sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 1 (PDEA-RO1).
Ayon kay PLtCol. Junmar C. Gonzales, Chief of Police ng Lingayen MPS, isinagawa ang operasyon madaling-araw ng Lunes matapos ipatupad ang search warrant laban sa isang 33-anyos na lalaki. Sa paghahalughog sa bahay ng suspek, nakumpiska ang tinatayang 89.9 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price na ₱610,640.
Bukod sa hinihinalang ilegal na droga, nakumpiska rin ang dalawang knot-tied at tatlong heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman umano ng shabu, isang glass tooter, isang improvised plastic tooter, isang weighing scale at isang black sling bag.
Narekober din ang isang itim na 9mm caliber pistol na walang markings, isang magazine assembly at pitong live ammunition.
Inihahanda ang mga kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.








