Idineklara na ang Bayan ng Bugallon sa ilalim ng State of Calamity ngayong araw matapos maapektuhan ng matinding pagbaha at tuloy-tuloy na pag-ulan ang 25,135 pamilya sa 24 na barangay dahil sa nagdaang Bagyong Maymay at Luis, pinalakas na habagat, at masamang panahon.
Isinagawa ngayong Miyerkules ang special session ng Sangguniang Bayan sa kahilingan ni Mayor William K. Dy at sa pamumuno ni Vice Mayor Rogelio M. Madriguera.
Sa pamamagitan ng Resolution No. 126, Series of 2026, pormal na inaprubahan ang deklarasyon ng State of Calamity, na magbibigay-daan upang magamit ang calamity funds ng munisipyo at mga barangay para sa agarang pagtugon sa pangangailangan ng mga apektadong residente.
Ayon kay Vice Mayor Madriguera, mahalaga ang deklarasyon upang mas mabilis na magamit ang pondo para sa pagbibigay ng pagkain at iba pang tulong sa mga nasalanta.
Sinabi rin ng opisyal na wala pang naitatalang casualty sa Bugallon, ngunit hinikayat niya ang publiko na mag-ingat sa paglusong sa baha, lalo na kung may sugat o kung malalim ang tubig, dahil sa panganib ng mga sakit na maaaring makuha mula sa kontaminadong baha.
Samantala, sinabi ni Archie Castillo, head ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), na patuloy ang monitoring at relief operations ng lokal na pamahalaan sa mga apektadong pamilya.
Simula Agosto 17, nasa 151 pamilya o 556 indibidwal na ang na-accommodate sa anim na evacuation sites sa bayan matapos ang rescue Operations ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office at iba pang ahensya.
Nasa 14 na barangay ang flood prone area sa bayan ngunit 4 lamang dito ang pinakaapektado sa ngayon gaya ng Barangay Cabayaoasan, Pantal, Magtaking at Poblacion dahil sa taas ng tubig baha na umaabot sa lagpas baywang.
Ayon kay Castillo, may 20,808 family food packs na inaprubahan para sa Bugallon mula sa Department of Social Welfare and Development Region 1.
Kasabay nito, nagre-repack din ang LGU para madagdagan ang suplay ng humigit-kumulang 7,000 family food packs mula sa alkalde.
Nakapagbigay na rin ang Provincial Government of Pangasinan ng 500 family food packs at 200 hygiene kits, habang may mga sleeping kits pang inaasahang darating.
Samantala, nakapag-request naman si 2nd District Congressman Mark Cojuangco ng 13,000 family food packs mula sa DSWD para sa mga apektado sa kanilang lugar.
May ilang evacuee na ring nakauwi matapos bumaba ang tubig, ngunit nananatili pa rin sa evacuation centers ang ibang pamilya dahil hindi pa ligtas balikan ang kanilang mga tahanan.
Patuloy naman ang relief operations at monitoring ng LGU Bugallon habang hinihintay ang tuluyang pagbuti ng lagay ng panahon.
Hinikayat din ng MSWDO ang mga pamilyang hindi pa nakatatanggap ng family food packs na maghintay habang patuloy na pinapabilis ng mga kinauukulan ang pamamahagi ng ayuda.










