Ipinaliwanag ni Atty. Francis Dominic Abril, legal at political consultant, ang ilang mahahalagang usapin sa nagpapatuloy na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Sa panayam, tinalakay ni Abril ang naging testimonya ni Gina Acosta, dating Special Disbursing Officer ng Office of the Vice President, na itinuring na hostile witness sa paglilitis.

Ayon kay Abril, ang hostile witness ay isang testigong tinawag ng isang panig ngunit ang mga sagot nito ay maaaring hindi pabor sa panig na nagharap sa kanya.

--Ads--

Aniya, may panganib ito para sa prosecution dahil maaaring makapinsala sa kanilang kaso ang mga sagot ng testigo. Gayunman, sinabi niyang sa naging testimonya ni Acosta, may mga pahayag na maaari ring makatulong sa prosecution.

Isa rito ang usapin tungkol sa paggamit ng confidential funds. Ayon kay Abril, lumitaw sa testimonya na may mga ginawa si Acosta bilang SDO na isinagawa umano dahil sa utos ng kanyang nakatataas.

Pero paliwanag niya, hindi sapat na dahilan ang pagsasabing “sumunod lamang sa utos” upang tuluyang mawala ang pananagutan ng isang opisyal.

Dapat pa rin umanong tiyakin ng isang SDO na naaayon sa batas at mga patakaran ng Commission on Audit ang kanyang mga ginagawa.

Tinalakay din ni Abril ang paggamit ng leading questions ng mga abogado.

Ipinaliwanag niya na ang leading question ay tanong na nagbibigay na ng direksiyon sa posibleng sagot ng testigo. Karaniwan itong ginagamit sa cross-examination.

Maaari itong maging epektibong paraan upang makuha ang impormasyong kailangan ng abogado. Ngunit may panganib din ito kapag hindi alam ng abogado kung ano ang magiging sagot ng testigo.

Kapag hindi inaasahan ang sagot, maaari itong makapinsala sa mismong kaso ng nagtatanong.