Naipamahagi na ng Department of Social Welfare and Development o DSWD Field Office 1 ang mahigit 67 milyon 598 libong piso na cash assistance sa mga pamilyang naapektuhan ng bagyong Luis, Maymay at patuloy na pag-ulan sa Ilocos Region. Katumbas ito ng 71 porsyento ng kabuuang halaga ng tulong mula sa iba’t ibang lokal na pamahalaan at non-government organization.
Ayon kay Leah Mylen L. Lucero, Social Welfare Officer V at Disaster Response Management Division Chief ng DSWD Field Office 1, nangunguna ang Pangasinan sa mga lalawigang may pinakamaraming pamilyang apektado, kasunod ang La Union, Ilocos Sur at Ilocos Norte. Patuloy naman ang pamamahagi ng ayuda sa mga kwalipikadong benepisyaryo sa mga lugar na tinamaan ng masamang panahon.
Kabilang sa relief food packs na ipinapamahagi ang anim na kilo ng bigas at mga de-latang pagkain na sapat para sa tinatayang dalawa hanggang tatlong araw. May sinusunod na mga alituntunin sa pagpili ng mga benepisyaryo upang matiyak na mga pamilyang direktang naapektuhan ng kalamidad ang makatatanggap ng tulong.
Posible rin ang ikalawang bugso ng pamamahagi depende sa magiging kalagayan ng mga residente, lalo na habang nagpapatuloy ang epekto ng Habagat sa rehiyon. Ayon sa DSWD, sapat sa kasalukuyan ang kanilang suplay ng relief goods para sa mga apektadong pamilya sakaling magpatuloy ang masamang panahon.








